![]() |
Photo c/o balay.ph |
“Wikang Pambansa, Susi sa Pagbabago”
Tulad ng watawat, salapi at mga bayani, ang pambansang wika ay sagisag ng isang bayan. Gayunpaman, ang pagtataguyod nito ay tila isang pagpapasya na naaayon dapat sa kagustuhan ng bawat isa sa atin na nangangailangan ng malawak na pag-unawa kung ano nga ba ang kahalagahan nito sa ating lipunan. Subalit hindi ibig sabihin ay hahayaan nating maglaho ang napakarami, iba’t iba at makulay na nakagisnang lenguwahe. Ang pagiging multilinguwal ay isa mismong katangian ng pagka-Filipino. Ang ordinaryong kababayan natin ay nakapag-aral at nakapagsasalita ng Ingles, madalas pamilyar sa mga katagang Arabe at Espanyol na napakalaki ng ambag sa ating pambansang wika, at marunong ng katutubong dila ng kaniyang rehiyon. Kung nasa ibayong dagat naman, tayo ay mabilis na natututo ng wika ng kinalulugaran bansa. Ngunit habang ang Ingles na nagsisilbing opisyal na wika ay siyang naguugnay sa atin sa mundo, kailangan naman ang Filipino upang magbigkis sa atin bilang isang bansa. Makikilala at maunawaan natin ang mga kaisipan, kuro-kuro, hangarin, pag-uugali at pagkakakilanlan ng sariling bansa kung naiintindihan natin ang wika ng pangkaraniwang taong-bayan o masa. Ito ay nananalamin kung ano ang ating pagtanaw, pagkakakilala, at paggalang sa kung sino ba talaga tayo. Nakapailalim din sa sariling wika ang kahulugan at kabuluhan ng ating kasaysayan kung kaya ang Filipino ay lumalago kasabay ng pagsulong ng panahon. Yumayabong ito bilang tagahatid ng bagong kaalaman, konsepto, katotohanan at kaganapan na makatutulong sa atin na umangkop sa pangkasalukuyan, lumikha ng mga ideya at karunungan, at magsikap na matamo ang pagpabago. Mapapansin na ang modernong anyo nito na tinatawag nating Filipino, ay napakalayo na mula sa tradisyunal na pinag-ugatang Tagalog. Samakatuwid, ang diwa at esensiya ng Filipino bilang pambansang wika na siyang susi ng paglago at pag-unlad ng bayan ay sa pamaagitan ng dalawang paraan - bilang tagapagtaglay ng mahahalagang kaalaman at bilang isang puwersa ng pagkakaisa.
No comments:
Post a Comment